Filipino

Panalangin Para Sa Beatipikasyon Ng Kagalang-Galang Na Solanus Casey

O Diyos, sinasamba po Kita,

iniaalay ko po ang aking sarili sa Iyo.

Nawa ay mangyari kung ano ang

hangad po Ninyo para sa akin,

at matupad ang ibig po Ninyo para sa aking buhay ngayon.

Pinasasalamatan po Kita sa mga biyayang ipinagkaloob

po Ninyo kay Padre Solanus.

Kung ito po ay naayon sa Inyong kalooban,

ipagkaloob po ninyo ang Beatipikasyon ni Solanus na Kagalang-galang, upang marami ang tumulad at ipagpatuloy ang kanyang pagmamahal para sa lahat ng mga aba at nagdurusa sa mundo.

Kung paanong tinanggap po niya nang may kagalakan ang Iyong mga Mabathalang Balakin,

Hinihiling ko po sa Iyo, ayon na rin sa Iyong kalooban,

na kalugdan po ninyo ang aking panalangin para kay . . .

(banggitin ang iyong kahilingan)

sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

"Purihin ang Diyos sa lahat ng Kanyang mga hangarin!"

 

Si Padre Solanus Casey, isang Capuchino, ay isinilang noong Nobyembre 25, 1870, sa isang bukirin sa Wisconsin. Ang kanyang mga magulang, na dayo mula sa Ireland, ay pinangalanan siyang Bernard.  Siya ay ika- 6 sa pamilya ng magkakapatid na sampung lalaki at anim na babae. Matapos iwan ang bukirin, siya ay nagtrabaho sa buong Wisconsin at Minnesota bilang magtotroso, katuwang sa isang ospital, drayber ng "street car" at guwardya sa isang preso.

Sa edad na 21 taon, pumasok si Bernard sa St. Francis High School Seminary sa Mliwaukee upang mag-aral upang maging isang paring diocesano. Matapos ang 5 taon ay nagpasya siyang pumasok sa ordeng relihiyoso. Siya ay tinanggap sa Ordeng Capuchino sa Detroit noong 1897 at tinanggap ang kanyang pangalang relihiyoso na Solanus.

Matapos maordinahan noong 1904, ginugol ni Padre Solanus ang 20 taon sa New York, Harlem at Yonkers. Noong 1924, ipinadala siya sa Monasteryo ni San Buenaventura sa Detroit kung saan siya nagtrabaho ng 20 taon. Noong 1945, bumalik siya sa New York at nagtagal doon ng 1 taon. Siya ay ipinadala sa Huntington, Indiana mula 1946 hanggang 1956. Muli siyang ibinalik sa San Buenaventura noong 1956.

Inialay ni Padre Solanus ang kanyang buhay sa paglilingkod sa mga tao. Sa pintuan ng monasteryo, libu-libong mga tao na iba-iba ang edad at katayuan sa buhay ang kanyang nakatagpo.  Sa panahon ng kaguluhan at pagdurusa, hiningi nila ang kanyang payo at panalangin. Maraming nagpatunay na sa tulong ng kanyang mga panalangin ay natamo nila ang kanilang kahilingan. Palagi niyang ipinamalas ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa Bayan ng Diyos. Lagi siyang handa at kusang-loob na nakikinig sa kahit sinuman at kahit anong oras, gabi man o araw. Bilang ganti, hiniling niya sa mga tao na mahalin at bigyang suporta ang mga misyon.

Noong kanyang huling pagkakasakit, sinabi niya, "Iniaalay ko ang aking mga paghihirap upang ang lahat ay magkaisa. Kung maari lamang ay makita ko ang pagbabalik-loob ng buong mundo." Ang kanyang huling ginawa noong may malay-tao pa siya ay naupo siya sa kama at isinigaw, "Inihahandog ko ang aking kaluluwa kay Hesukristo." Siya ay namatay sa Detroit sa edad na 86. noong Hulyo 31, 1957 at inilibing sa Monasteryo ni San Buenaventura.